Home > Family and Me > Ang aking kaibigang si X

Ang aking kaibigang si X

March 17th, 2005

Papasok pa lang siya nang Grade III noon nang una kaming magkita. Kinuha siya ng nanay nya mula sa Cebu para sa Manila na manirahan. Dahil bata pa nga siya nun, hindi siya nagkaroon ng problema sa pakikitungo nya sa akin. Pati na rin ako sa kanya. Unang kita pa lang namin kwentuhan kami agad about computer games. Eksperto siya sa mga bagay na to kaya oo na lang ako ng oo kahit di ko alam mga kinikwento nya. Palagi kaming magkasamang tatlo sa pamamasyal. Minsan kapag napapagod na siyang maglakad nagpapakarga siya sa akin. Pero minsan din naasiwa siya sa akin at sa nanay nya na lang siya nagpapakarga.

Mahirap na proseso for adjustment ang dinaanan nya. Bagong lipat sya ng school, ako na bagong partner ng nanay nya at bagong titirhang bahay na magkasama kaming tatlo ng nanay nya. Isang masalimuot na kaayusan para sa kanya ang lahat. Sa iskwela may mga pagkakataong alanganin siyang sumabay sa akin pag-hinahatid o sinusundo ko sya. Pero hindi ko na pinansin ito. Ni hindi ko sya tinanong kung ano pakilala nya sa mga kaeskwela nya kung sino ako. Hindi mahalaga para sa akin ito dahil naiintindihan ko kalagayan nya.

Sa mga pagkakataong nag-uusap kami nang masinsinan pinapaintindi ko sa kanya na hindi sya dapat mag-alala dahil hindi ko balak na agawin ang pagkilala nya sa tatay nya. Sinasabi ko sa kanya na wala akong ibang hinihiling mula sa kanya kundi ang pagiging magkaibigan namin. Dahil sa buhay ng tao hindi ka pwedeng mamili kung sino gusto mong maging magulang o kapatid pero pwede kang mamili ng kaibigan. Yun ang mas mahalaga para sa akin. Ang pagiging magkaibigan namin. Sabi ko sa kanya ni hindi ko hihilingin na tawagin nya akong tatay. Kahit anong anong gusto nyang itawag sa akin okay lang.

Kaya mula nuon naging matalik kaming magkaibigan. At mula nuon ang tawag nya na sa akin ay Q, halaw nya mula sa isang karakter ng paborito nyang Star Trek. Tawag ko rin sa kanya ay X, first letter ng totoong pangalan nya. Nang matapos kaming ikasal ng nanay nya tinanong nya ako kung maari ba daw na palitan ang apelyido nya nang apelyido ko. Tumutol ako. Sabi ko sa kanya, mas gusto kong ipanatili nya ang apelyido ng tatay nya dahil kahit ibahin pa ng ilang beses ang apelyido nya hindi nito mabubura ang katotohanang anak pa rin siya ng tatay nya. Dagdag ko pa, kahit iba pa apelyido nya hindi mag-babago ang pagtrato ko sa kanya bilang kaibigan at bahagi ng pamilya ko.

Time flies like an arrow (at kung si X pa, fruit flies like a banana). Una kaming magkita ni X grade 3 pa lang sya. Ngayon gagradweyt na sya nang Grade 6. Dati si X lang ang bata sa bahay, ngayon mahigit isang taon na baby sister nyang si Maia. Parang kahapon lang kinakarga ko pa siya, ngayon halos singtangkad ko na si X. Nuon naglalaro pa kami ng baril-barilan, ngayon may crush na si X.

Q and XMabait, masunurin at matalinong bata si X. May kakulitan nga lang kung minsan pero ngayon nasasapawan na ang kakulitan nya ng mas makulit pang si Maia. Mahal ni X ang baby sister nyang si Maia. Siya ang kalaro at bantay nito. Wala na akong ibang hihilingin pa kay X kundi ang maging matagumpay siya sa buhay, ang pag-ibayong pagmamahal sa nanay at sa mga kapatid nya at ang aming walang kamatayang pagkakaibigan.

Isang mainit na pagpupugay X sa iyong pagtatapos.

We’re proud of you.

Categories: Family and Me Tags:
  1. March 20th, 2005 at 00:55 | #1

    ampopogi naman ng mga boys ko! :)

Comments are closed.