Home > Other Stories > BALAHIBONG PUSA

BALAHIBONG PUSA

February 10th, 2005

Mahilig mag-alaga ng mga hayop ang nanay ko. Sa ngayon may 9 na pusa siyang alaga sa bahay. Hindi ito mga Siamese o Burmese Cats, mga lahing Pusakal (pusang kalye) ang mga ito. Kaya hindi mga pangalang pang pretty-tweetum-pussy ang bininyag naming, mga pangalan nila kundi mga ordinaryong pangalan lang. Yung mga pangalang naririnig mo kung saan saan. Mukhang enjoy naman sila sa mga pangalang ibininigay namin sa kanila. Mabalahibo ngunit makulay ang kwento ng mga pusa sa bahay namin.

Ito ang kwento nila.

Nagumpisa ang lahat kay Krog. Nung kuting pa lang ito iniwan na ng walang budhi nitong ina sa pintuan ng bahay namin. Pinatuloy at inampon siya ng nanay ko. Matagal rin bago narealize ni Krog na pusa pala siya. Hindi ito lumalabas ng bahay at sa kuwarto mismo ng Nanay ko siya natutulog. Mahabang panahon bago siya nakakita ng kapwa pusa. Ang pinaka-una nya pang nakilalang pusa ay ang haring siga ng mga pusakal sa baranggay – si Borbo. Astig ng barangay si Borbo. Kilalang maton, takot lahat sa kanya at lahat ng mga bagong pussy ay sinisiguro nyang dumaan sa kanya. Kulay kupas na maong ang balat nito, maskulado ang pangangatawan,, tapyas ang isang tenga at puno ng peklat ang ma-kalyo’t malapad nitong mukha. Si Borbo ay ang tipo ng pusa na kahit buhusan mo ng tubig ay tititigan ka lang at parang nang-aasar na tila nanghihingi pa ng sabon. Masaklap ang naging karanasan ni Krog kay Borbo dahil nang mapa-ibig ni Borbo si Krog ni-rape nya ito ng paulit-ulit. Ilang linggo ring naging tulala si krog, ayaw kumain at parang wala sa katinuan. Palagi na lang itong pagulong-gulong na parang nasaniban ng masamang ispiritu.at ikinikiskis ang kanyang kuwan kung saan saan. Mula noon naging full-pledge pusa na an aming Krog. Hiniwalayan nya rin si Borbo matapos siyang mabuntisan nito.

Sa kasagsagan ng EDSA II habang nasa may POEA kami nakikinig sa mga nagsasalita sa entababladong nanggagalaiti kay Erap nang may isang tinedyer na pusakal ang kiskis ng kiskis sa mga paa namin ng kapatid ko. Pilit naming siyang tinataboy pero tuloy pa rin siya sa paglalandi sa amin. Ayaw humiwalay sa amin ng pusang-iring na ito kaya dinampot siya ng utol ko at pinasok sa kanyang backpack. Inuwi namin sa bahay ang bagong ampon naming pusa na pingalanan naming Boba. Dito nag-umpisang mag-selos si Krog. Galit siya kay Boba at prinoklama nya itong mortal na kaaway. Malalim ang galit ni Krog kay Boba dahil nung nanganak si Krog ng tatlong kuting namatay ang isa dito nang maiwanan nya ito. Ang pinagdudahan ni Krog na pumatay sa bunso nya ay si Boba. Hanggang ngayon pinagpipilitan pa rin ni Krog na si Boba ang pumatay sa anak nya.

Sa paglaon ng panahon nakabuo na ng kanya-kanyang pamilya si Krog at si Boba.

Maselan sa pagbubuntis si Krog kaya tatlo lang ang naging supling nito, si Rey at Elmer, mga anak ni Krog kay Borbo at ang bago nyang kuting na si Karlo. Si Karlo ay sakiting kuting an nagmana sa tatay nitong ang matamlaying si Gaspar, ang pusa ng kapitbahay naming Pastor. Si Rey at si Elmer ay manang-mana sa tatay nilang si Borbo. Pawang mga matikas at may pagka-balasubas rin ang dalawang panganay ni Krog. Sa tatlo, ang pinakamamahal ni Krog ay si Rey. Kahit hitsurang Borbo Jr na ito ay pinapasuso pa rin ni Krog si Rey. Gaya ng tatay nila naging siga rin si Rey at Elmer sa Barangay. Hindi na nila nakasagupa ang tatay nila dahil nawala na lang itong bigla. Duda ng mga kapit-bahay malamang na-salvage na raw ito. Yun din ang duda ng mag-anak na Krog.

Ang pumalit sa trono ni Borbo bilang haring siga ng mga pusakal sa baranggay ay si Gardo. Hindi kagaya ng nasirang si Borbo, si Gardo ay medyo pinong bastos. Malaking pusa rin ito na parang naka-jacket na khaki, warak din ang mukha at may mga tattoo pa sa braso. Hindi laking barangay si Gardo. Wala siya sa eksena nung kapanahunan ni Borbo kaya sabi nila pugante raw si Gardo at sa barangay ngayon nag-tatago. Labis na kinamumuhian ni Krog si Gardo dahil naging boypren ito ni Boba. Tuwang tuwa naman si Boba dahil feeling nya naka-isa siya kay Krog. Kaya pag-naglalampungan sila ni Gardo pilit nya itong pinapakita kay Krog. Dahil sa inis, napilitan si Krog na patulan ang matamlaying si Gaspar.

Sadyang malandi, salawahan at haliparot si Boba. Maliban kay Gardo, lahat na ng mga kalalakihang pusakal sa barangay ay pinatikim nito ng kanyang alindog. Maging ang mga anak ni Krog na si Rey at Elmer ay hindi pinalampas ni Boba. Para kay Boba ganti nya ito sa pang-aapi ni Krog sa kanya. Ang pagka-kiri ni Boba ay nagbunga ng apat na supling, si Billy, Brenda, Bogart at Berting.

Itutuloy

Sa susunod…ang kwento ng mga anak ni Krog at Boba…

Categories: Other Stories Tags:
Comments are closed.