Home > Philippines for Dummies > Balik-tanaw

Balik-tanaw

June 10th, 2005

Noong nagtatrabaho pa ako sa isang Human Rights NGO sa Quezon City may isang meeting akong nasalihan na hindi ko makakalimutan. Bumalik sa alala ko ito ngayon dahil tumitingkad na naman ang pusisyunan hinggil sa kasalukuyang kaganapan sa pulitika ng ating bansa.

Ang agenda sa pulong na yun ay kung paano pumusisyon sa naganap na paglusob ng mga pwersa ng “EDSA 3” sa Malakanyang kung saan marami ang mga naaresto, nasugatan at namatay. Kasama sa pulong ang iba’t ibang NGOs at mga lider ng Peoples Organizations o POs. At siyempre pa sa mga pulong na ganito nauunang magsalita ang mga maalam – ang mga professor, lawyer, doktor, manunulat at iba pa. Naglipana ang mga salitang ingles at kung anupamang mga scientific analisis habang tahimik lang na nakikinig ang mga lider masa ng mga PO’s.

Sa bunganga ng mga professionals bumuga ang mga statements na: “We should condemn it because it is just a plot of the puppets of ERAP to reclaim power”. “We should defend Democracy and protect the gains of EDSA 2”, “We must support the call of the church in declaring that the EDSA shrine is a Church’s property and should not be desecrated by an unruly mob na mga walang pinag-aralan kaya madaling utuin”.

Hindi nakapagpigil si Mang Estong. Si Mang Estong, mahigit 60 ang edad at lider ng isang Urban Poor PO sa Manila.

Gumagaralgal ang boses pero mahinahon na nagsalitang: “ipagpa-umanhin nyo na lang sana po ang aking kapangahasan” dagdag nya “Nais ko lang po sanang maglahad ng aking nararamdaman sa inyong mga sinasabi”.

“Bagama’t hindi ho ako marunong magsalita ng ingles pero naiintindihan ko po ang inyong mga sinasabi” bungad ni Mang Estong, “labis po akong nasaktan sa inyong mga binanggit”, natahimik ang lahat.

“Mula pa ho nung EDSA 1 andun na ako. Malamang karamihan sa inyo na narito ngayon ay mga paslit pa lang nung panahong yun.” aniya, “Nang magka-EDSA 2 sumama ulit ako sampu ng aking mga kasamahan”.

“Gusto ko pong malaman nyo na tatlo po sa mga anak ko ang sumama at nasaktan sa EDSA 3”. nanginginig na sinabi nya habang isang patak ng luha ang gumuhit sa gilid ng kanyang pisngi.

“Nagpa-alam sila sa akin bago sila tumungo dahil alam nilang kasama ako sa EDSA 2 na nagpatalsik kay Erap at nagluklok kay Gloria”. Impit na dagdag nya pa, “hindi ko sila pinigilan dahil alam ko pupunta sila sa Mendiola hindi dahil gusto nilang ilukluk muli si Erap kundi sumama sa isang pag-aalsang kapiling nila ang kapwa naming mahihirap, kung sa termino nyo pa, kapwa naming mga mababaho at walang pinag-aralan”. Napalunok ang mga naunang nagsalita.

Patuloy na nagsalaysay si Mang Estong, “Matanda na po ako, sa mahigit tatlong dekada nang aking pagiging lider ng Urban Poor wala po akong nakikitang Pag-asa o kabutihan na idinulot sa amin ang mga nakaraang EDSA 1 maging ng EDSA 2. Dahil kahit sa aming kamangmangan alam ho naming ang mga dumaang EDSA ay simpleng pagpapalit lang mga personalidad at hindi ng sistemang patuloy na naglulugmok sa amin sa kahirapan”.

“Sa aming kalagayan hindi na ho mahalaga kung sino ang may pasimuno sa mga pag-aalsa bastat ito’y tumungo sa tunay na pagbabago ng lipunan. Kahit ilang beses pa hong magpalit ng pamunuan ang ating bansa hanggat hindi magbabago ang sistema ng lipunan patuloy hong may mag-aalsa at patuloy kaming sasama rito”.

Mahinahong sinabi ni Mang Estong and kanyang panghuling salita, “Pasensya na ho kayo sa mga sinasabi ko pero sadyang meron lang talagang bakod na namamagitan sa ating mga mundo. Naiintindihan ko ang mga sinasabi ninyo. Pero para sa akin hindi magbabago ang kaayusan ng lipunan sa pamamagitan lamang ng mga matatayog na salita’t matatalas na analisis na halaw mula sa mga libro.

“Kahit hindi nyo maintindihan ang mga sinasabi ko ngayon, naway maintindihan nyo man lang ang kalagayan naming mahihirap.”

Buhay na buhay sa alalaala ko ang mga salitang ito ni Mang Estong.

Categories: Philippines for Dummies Tags:
  1. June 10th, 2005 at 17:30 | #1

    may naidulot po ang tatlong EDSA rebolusyon na yon. Which was to keep the essence of idealism, kung ano man ang dinaramdam at iniisip ng tao, they pursue it thru revolusyon, kahit magulo.

    Change should come from both sides – ang kinauukulan at ang mga masa. HIndi lang dapat iasa lahat sa government.

    *hay, kalalum*

  2. June 12th, 2005 at 00:52 | #2

    true. a lot of decision-makers forget harsh reality because they haven’t really placed themselves in the shoes of people they’re supposed to be serving. and i read about them everyday.

    there are people who are deprived of so many things, because life has failed them too many times often. i see them everyday.

  3. June 12th, 2005 at 17:36 | #3

    The natural world sometimes goes through violent cataclysms in order to achieve balance. Our country has been mired in the same situation for decades now. It is not surprising to hear calls for revolution in order to restore balance. But the revolution I am talking about is not the bloody kind but the one that starts from within.

Comments are closed.